Pulitika at Lipunan

Menschenmenge mit Regenbogenflagge © Goethe-Institut/ Gina Bolle

Ang bansang Alemanya ay isang demokrasya. May karapatan ang mga taong piliin kung sino ang mamamahala sa bansa at kung anong mga batas ang gagawin. Ang mga mamamayan ang naghahalal ng mga tao sa pamahalaan. Maaaring lumahok ang lahat sa buhay pampulitika, hal. sa mga asosasyon, inisyatiba, unyon, o partido.

Audio-Player: Artikel anhören

Artikel anhören

Politik und Gesellschaft

Batayang Batas

Ang konstitusyon o saligang batas ng Alemanya ay tinatawag na Batayang Batas. Ang Batayang Batas ay naglalaman ng pinakamahalagang tuntunin para sa pamumuhay nang sama-sama sa Alemanya.

Ang bansang Alemanya ay isang estadong konstitusyonal. Lahat ng tao ay pantay-pantay sa harap ng batas, anuman ang edad, kasarian, pinagmulan, o relihiyon. Ang sinumang nakakaramdam ng hindi patas na pagtrato ay maaaring pumunta sa korte.

Ang bansang Alemanya ay isang estadong panlipunan. Inaalagaan ng estado ang mga mamamayan nito. Mayroong segurong pangkalusugan, pensyon, at mga benepisyong panlipunan tulad ng mga benepisyo sa kawalan ng trabaho. Dapat mabuhay ang lahat nang maayos.

Ang bansang Alemanya ay isang pederal na estado. Binubuo ito ng iba't ibang bahaging tinatawag na mga pederal na estado. Mayroong 16 na pederal na estado: Baden-Württemberg, Bavaria, Berlin, Brandenburg, Bremen, Hamburg, Hesse, Mecklenburg-Western Pomerania, Lower Saxony, North Rhine-Westphalia, Rhineland-Palatinate, Saarland, Saxony, Saxony-Anhalt, Schleswig-Holstein at Thuringia. Ang bawat pederal na estado ay may sariling mga alituntunin at batas. Ngunit mayroon ding mga karaniwang alituntunin at batas para sa buong bansa.

Karapatan at Tungkulin

Itinatakda ng Batayang Batas ang mga karapatan at tungkulin ng mga tao sa Alemanya. Ang ilan sa mga pangunahing karapatang ito ay nalalapat sa lahat. Ito ay mga karapatang pantao. Mayroon ding ilang mga karapatan na nalalapat lamang sa mga mamamayang Aleman. Ito ay mga karapatang sibil.

Kabilang sa mahahalagang tungkilin ang obligatoryong pag-aaral, pagbabayad ng buwis at ang obligasyong sumunod sa batas: ang mga bata at kabataan sa Alemanya ay dapat pumasok sa paaralan. Ang sinumang kumikita ng pera ay kailangang magbayad ng buwis. Dapat sundin ng lahat ang mga batas.

Ito ang pinakamahalagang karapatan:
  • Dignidad ng tao: Dapat magkaroon ng paggalang sa bawat tao.
  • Pagkakapantay-pantay: Lahat ng tao ay may parehong karapatan. Halimbawa, ang mga babae at lalaki ay may parehong karapatan.
  • Pagkakapantay-pantay sa harap ng batas: Lahat ng tao ay pantay-pantay sa harap ng batas.
  • Kalayaan sa pagpapahayag ng opinyon: Ang mga tao ay pinapayagang sabihin kung ano ang iniisip nila.
  • Kalayaan sa pagpupulong: Ang mga tao ay pinapayagang magpulong sa mga grupo.
  • Kalayaan sa paggalaw: Ang mga tao ay pinahihintulutang mabuhay at manirahan saanman nila gusto.
  • Kalayaan sa hanapbuhay: Ang mga tao ay malayang pumili ng kanilang propesyon.
Kabilang sa iba pang mga karapatan ang proteksyon sa kasal at pamilya, kalayaan sa pamamahayag, karapatang bumoto at kalayaan sa relihiyon.

Pagkakaiba-iba at Pagpaparaya

Ang lahat ng tao sa Alemanya ay malayang pumili at magsagawa ng kanilang relihiyon. Halos sangkatlo ng mga tao sa Alemanya ang opisyal na walang relihiyon. Ang karamihan sa mga Aleman ay kabilang sa relihiyong Kristiyano, sila ay Romano Katoliko o Protestante. Maraming mga pistang opisyal ng Kristiyano tulad ng Pasko o Pasko ng Pagkabuhay ay mga pampublikong pista. Nangangahulugan ito na karamihan sa mga tao ay hindi kailangang magtrabaho sa mga araw na ito. Ngunit marami ring miyembro ng ibang relihiyon ang naninirahan sa Alemanya.

May mga klase sa edukasyong pangrelihiyong Protestante at Katoliko sa mga paaralan. Ang ilang mga paaralan ay nag-aalok din ng edukasyong panrelihiyon sa Christian Orthodox, Hudaismo, at Islam. Ang mga magulang ay maaaring magpasya kung ang kanilang anak ay dapat dumalo sa mga klase sa edukasyon panrelihiyon. Kayo rin ang magpapasya kung aling klaseng pangrelihiyon ang papasukan ng inyong anak.

Ang mga tao sa Alemanya ay pinapayagang mabuhay ayon sa kanilang sekswal na oriyentasyon. Nangangahulugan ito na ang pag-ibig sa parehong kasarian, bisexuality, transsexuality at intersexuality ay isang bahagi ng pang-araw-araw na buhay gaya ng heterosexuality. Ang kilusang LGBTQ ay may mahalagang papel. Ito ang komunidad ng mga lesbian, gay, bisexual, transgender at queers. Protektado sila sa Alemanya. Ang isang simbolo ng kilusang LGBTQ ay ang watawat ng bahaghari.

Mula noong Oktubre 1, 2017, ang mga magkaparehong kasarian, ibig sabihin, isang lalaki at isa pang lalaki o isang babae at isa pang babae, ay maaari ding magpakasal sa Alemanya. Pareho sila ng mga karapatan at tungkulin. Ang ibig sabihin nito, halimbawa, ay pinapayagan kayong mag-ampon ng mga bata. Maaari ninyong kunin ang pangalan ng inyong partner. Dapat nandiyan sila para sa isa't isa.

Kung ang mga karapatan ay hindi iginagalang, ito ay maaaring diskriminasyon, sa ilang mga kaso. Mangyaring basahin ang aming tekstong "Pagharap sa diskriminasyon".

Partido at Halalan

Sa isang demokrasya ay may eleksyon. Ganito rin ang kaso sa Alemanya. Dapat lihim mula sa iba, para sa pangkalahatan, at libre ang mga halalan. Ang mga tao ang nagpapasya kung sino ang mamamahala.

Ang mga partidong pampulitika sa Alemanya ay may iba't ibang programa at layunin. Ang pinakamalaking partido ay ang SPD (Social Democratic Party of Germany), CDU (Christian Democratic Union), Alliance 90/The Greens, FDP (Free Democratic Party), AfD (Alternative for Germany) at The Left. Marami pang maliliit na partido. Makakahanap kayo ng higit pang impormasyon tungkol sa mga partido at sa kanilang mga programa sa website ng Federal Agency for Civic Education.

Sino ang pinapayagang bumoto? Ang karapatang bumoto ay hindi pareho para sa lahat ng halalan sa Alemanya. Para sa karamihan ng mga halalan ay kailangan ninyong maging 18 taong gulang. Ang mga mamamayang Aleman lamang ang pinapayagang bumoto sa pederal na halalan at sa mga halalan sa parlamento ng estado. Sa Baden-Württemberg, Brandenburg, Bremen, Hamburg, at Schleswig-Holstein ay pinapayagan ang mga 16 na taong gulang na makilahok sa mga halalan sa parlamento ng estado. Ngunit hindi pa sila pinapayagang mahalal. Posible lamang ito mula sa edad na 18.

Ang mga mamamayan ng EU ay pinapayagan ding bumoto sa mga halalan sa Kommune kung sila ay nanirahan sa Alemanya nang higit sa tatlong buwan. Sa Bavaria, Hesse, Rhineland-Palatinate, Saarland at Saxony ay dapat na 18 taong gulang o higit pa ang mga botante. Sa ibang mga pederal na estado ay pinapayagang bumoto ang mga tao sa edad na 16. Ang lahat ng mamamayan ng EU na may edad 18 pataas ay maaaring bumoto sa mga halalan sa Europa.

Kayo ba ay mula sa isang bansa na hindi bahagi ng EU? Sa kasamaang palad ay hindi kayo pinapayagang bumoto sa Alemanya. Ngunit maaari rin kayong makisali. Mayroong mga Integration Advisory Board sa maraming lugar. Karaniwan silang inihahalal ng mga migrante. Ang Integration Advisory Board ay para sa pampulitikang interes ng mga migrante. Tumutulong din sila sa mga tanong at problema. Sa pamamagitan ng gawaing ito, nais nilang mapabuti ang magkakasamang buhay ng mga migrante at mga Aleman.

Kadalasang Itinatanong

Sundan kami