Para sa isang bachelor's degree course, karaniwan kailangan ang sertipiko ng pag-alis sa paaralan. Ito ang sertipiko ng pangkalahatang kwalipikasyon sa pagpasok sa mas mataas na edukasyon o ang sertipiko ng kwalipikasyon sa pagpasok sa teknikal na kolehiyo. Ang master's degree course naman ay isang higit pang mataas na degree. Maaaring kumuha ng master's degree course kung mayroon nang bachelor's degree. Ang pagsusuri ng estado naman ay kinukuha lamang sa ilang mga kurso. Kabilang dito ang: medisina, batas, parmasya, kimika ng pagkain at, sa ilang pederal na estado, pagtuturo. Dito kumukuha ang mga estudyante ng pagsusulit ng estado.
Para sa mga dayuhang degree, magpapasya ang unibersidad kung mayroon na kayong sapat na pundasyon para sa pag-aaral. Mangyaring makipag-ugnayan sa International Office ng unibersidad. Kung hindi niyo pa alam kung saan ninyong gustong mag-aral, nagsusuri ang "uni-assist" service center sa mararaming unibersidad kung maaari kayong mag-aral sa isang unibersidad sa Alemanya gamit ang inyong mga sertipiko. May impormasyon sa
www.uni-assist.de at
www.anabin.de. Pero nakasalalay pa rin sa unibersidad ang huling desisyon.
Sa mga unibersidad sa Alemanya (mga unibersidad at teknikal na kolehiyo) ay dapat napakahusay ang mga mag-aaral sa wikang Aleman. Kung hindi Aleman ang inyong sariling wika, kakailanganin ninyo ng patunay ng inyong mga kasanayan sa wikang Aleman. Sa karamihan ng mga kaso ay kailangan ninyo ang Iksamen ng Wikang Aleman para sa Pagpasok sa Unibersidad (TestDAF). Maaaring mayroon ding iba pang mga kinakailangan tulad ng isang partikular na grade point average. Sa ilang mga programa sa pag-aaral ay limitado lamang ang bilang ng mga papapasukin (numerus clausus). Mangyaring makipag-ugnayan sa unibersidad para sa mga karagdagang impormasyon.
Kung ang inyong sertipiko sa paaralan ay hindi pa sapat para sa pag-aaral sa Alemanya, kailangan muna ninyong dumalo sa isang preparatory college. Upang gawin ito ay kailangan ninyong kumuha ng entrance exam. Kailangan ninyo ng antas B1 sa wikang Aleman. Sa pagtatapos sa preparatory college ay kukuha kayo ng assessment test. Karaniwang tumatagal ang pagdadalo sa preparatory college ng dalawang semestre, ngunit kung minsan mas maikli ito. Libre ang mga aralin. Pero mayroon pa ring mga bayarin sa semestre.
Kadalasan mayroong mga takdang-panahon para sa aplikasyon para sa mga programa sa pag-aaral. Kaya kung nais ninyong mag-aral sa Alemanya, alamin ito nang maaga hangga't maaari.