Paninirahan

Mehrfamilienhaus © Goethe-Institut/ Simone Schirmer

Kung naghahanap kayo ng tirahan sa Alemanya, madaling makakahanap ng isang tirahan sa iilang mga rehiyon. Sa mga iba naman ay napakahirap makakuha ng isang tirahan. Mainam na maagang magsimula sa paghahanap at makipag-ugnayan kaagad sa nagpapaupa o nagpaparenta kapag nakahanap na ng naaangkop na paanunsyo ng apartamento.

Paghahanap ng tirahan

May mga iilang website sa internet para sa paghahanap ng tirahan gaya ng: Maaari ring magrenta ng kuwarto sa isang ibinahaging apartamento (o “WG”). Sa isang WG, nakikibahagi kayo ng isang apartamento kasama ang ibang tao. Maaari kayong makahanap ng mga kuwarto sa mga WG hal. sa website wg-gesucht.de. Mayroon ding mga apartment para sa pansamantalang upa. Ang mga apartamentong ito ay maaari lamang upahan para sa isang limitadong tagal ng panahon.

Mayroon ding mga paanunsyo ng mga tirahan sa maraming mga diyaryo, karaniwan sa Biyernes o Sabado. Ang mga paanunsyong ito ay matatagpuan din sa website ng diyaryo o pahayagan. Maaari ring humingi ng isang apartamento sa Tanggapan para sa Pabahay ng inyong lungsod o munisipyo. Ang isang ahente ng real estate ay maaari ring makatulong sa paghahanap: Kung nakahanap siya ng isang apartamento para sa inyo, kailangan ninyong magbayad sa kanya. Karaniwang tumatanggap ang isang ahente ng kabuuang 2 - 3 buwang upa bilang komisyon.

Upa at Deposito

Karaniwang sinasabi sa mga paanunsyo kung magkano ang upa na kailangang bayaran para sa tirahan. Gayunpaman ay kadalasang pangunahing upa lamang ito. Kailangan ring bayaran ang mga karagdagang gastos sa upa. Halimbawa ay nagbabayad kayo para sa tubig at paglinis ng hagdan at basura. Ang pag-init sa bahay at kuryente ay maaari ring maging bahagi ng mga karagdagang gastos sa upa, ngunit nag-iiba rin ito. Tanungin ang nagpapaupa kung ano ang kasama sa mga karagdagang gastos sa upa at kung ano ang iba pang babayaran.

Ang pangunahing upa at ang mga karagdagang gastos sa upa na magkasama ay tinatawag na kabuuang upa. Binabayaran palagi  sa simula ng bawat buwan ang kompletong sa kabuuang upa sa inyong nagpapaupa.

Karaniwan ay hindi nilagyan ng muwebles ang mga apartamento. Ngunit madalas na may kusina. Madalas na kailangang magbayad para sa mga bagay na nananatili sa apartamento at mula sa nakaraang nangungupahan, hal. ang isang ref. Ang tawag dito ay bayad sa paglipat.

Madalas na gusto ng nagpapaupa na magbayad kayo ng deposito. Maaaring maghalaga ito ng 3 pangunahing upa. Kapag lumipat kayo ay makukuha ninyo muli ang deposito. Kung nais ninyong makita kung ang upa para sa isang apartment ay masyadong mataas, maaari ninyong tingnan ang talaan ng presyo ng upa. Doon mahahanap ang karaniwang presyo ng upa para sa bawat lungsod. Ipasok ang salitang "Mietspiegel" at ang pangalan ng inyong lungsod sa Internet.

Hindi pa alam kung magkano ang tubig, kuryente o gas na kakailanganin ninyo sa simula ng isang taon, kaya nagbabayad kayo ng advance sa bawat buwan. Sa pagtatapos ng taon ay makukuha ang pera pabalik o kailangang magbayad pa ng kaunti.

Kasunduan o Kontrata sa Upa

Lahat ng impormasyon tungkol sa upa at deposito ay nasa kontrata ng upa. Nakasulat din doon kung kailangang ayusin ang apartamento kapag lilipat na kayo. Kadalasan ay kailangang pumirma ng isang ulat sa pagsauli kapag lumipat na kayo sa ibang apartamento. Nakasulat sa ulat hal. kung may sira sa apartamento. Sa ganitong paraan ay alam ninyo at ng nagpapaupa na hindi ninyo ito sinira. Basahin nang mabuti ang kontrata ng upa at ang ulat sa pagsauli bago pumirma.

Kung nais na ninyong lumipat, karaniwang kailangan ninyong ipaalam ito 3 buwan bago ang planong paglipat. Ito ay tinatawag na takdang-panahon ng pagwakas sa kontrata sa tirahan. Palaging isipin ang takdang-panahon ng pagwakas sa kontrata sa tirahan upang hindi magbayad ng doble sa renta. Para rito ay kailangan ninyong sumulat ng liham sa nagpapaupa sa katapusan ng buwan.

Patakaran sa Tirahan

Kung ayaw ninyong magkaroon ng mga away sa inyong mga kapitbahay, sundin ang ilang mga patakaran: Karaniwang may oras ng katahimikan mula 10:00 ng gabi hanggang 7:00 ng umaga at mula 1:00 ng hapon hanggang 3:00 ng hapon para sa pahinga sa tanghalian. Hindi dapat maging masyadong maingay sa mga oras na ito. Sa mga Linggo at kapistahan, buong araw ang oras ng katahimikan. 

May iba't ibang basurahan sa Alemanya para sa papel at karton, para sa mga tira ng prutas at gulay, at para sa ibang klase ng basura. Madalas na may mga basurahan sa harap ng bahay. Dito maaaring itapon ang basura. Ang gawa sa salamin o mga de-koryenteng kagamitan ay kailangang dalhin sa mga espesyal na lugar ng koleksyon o mga lalagyan. Ang mga plastik, lata, at mga basura galing sa pambalot ng mga bagay ay itinatapon sa pamamagitan ng dilaw na sako o sa dilaw na basurahan. Kadalasan sa lungsod ay kailangang dalhin ang plastik at pambalot na basura sa isang lalagyan ng mga materyales na maaaring i-recycle sa malapit. Mangyaring magtanong sa inyong lungsod o munisipyo.

Ang lahat ng iba pang mga patakaran ay matatagpuan sa inyong mga patakaran sa tirahan. Halimbawa nito ay: Pinapayagan ba kayong magkaroon ng aso o pusa sa apartamento? O di kaya’y kailangan ba ninyong linisin ang pasilyo o ang daan sa harap ng bahay?

Kadalasang Itinatanong

Sundan kami