Pinansya at Buwis

geöffnete Geldbörse auf einem Tisch © Goethe-Institut/ Gina Bolle

Kung nakatira at nagtatrabaho kayo sa Alemanya, kailangan ninyo ng account sa bangko. Ilalagay ng inyong employer ang inyong sahod o suweldo sa inyong account. Babayaran ninyo ang inyong upa at iba pang mga gastusin gamit ang pera sa loob ng account. Maaari kayong mag-withdraw ng pera sa mga ATM ng bangko.

Audio-Player: Artikel anhören

Artikel anhören

Finanzen und Steuern

Account sa Bangko

Mayroong iba't ibang mga bangko at mga savings bank. May mga sangay ang ilan dito. Maaari kayong pumunta at makipag-usap sa mga tao. At may mga direktang bangko. Magagamit lamang ang mga ito sa pamamagitan ng Internet. Kadalasang kailangan ninyong magbayad nang kaunti para sa isang account. Madalas na libre ang isang account para sa mga mag-aaral.

Makakatanggap kayo ng interes mula sa bangko o savings bank para sa pera sa inyong account. Nakakakuha kayo ng napakakaunting interes sa pera sa inyong checking account. Kung gusto ninyong makatipid, maaari kayong magbukas ng account para sa araw-araw o savings account. Pagkatapos ay makakakuha kayo ng mas mataas (pero hindi gaano kataas) na interes kaysa sa isang checking account.

Pagbukas ng Account

Gusto niyo bang magbukas ng account? Mayroong iba't ibang mga account. Ang isang normal na account sa bangko ay tinatawag na checking account. Minsan ayaw kayong bigyan ng bangko ng checking account, halimbawa kung kakaunti lamang ang pera ninyo. Dapat bigyan kayo ng bangko ng isang pangunahing account. Gamit nito ay magagawa ninyo ang mga pinakamahahalagang bagay: maaari kayong maglipat ng pera, magbayad sa pamamagitan ng card, magdeposito, at mag-withdraw ng pera. Ito ay karaniwang isang credit account. Maaari lamang kayong gumastos ayon sa pera na mayroon kayo.

Sa isang account na pwedeng mag-overdraft, maaari kayong mag-withdraw ng pera kung wala na kayong pera sa loob ng inyong account. Nagpapahiram sa inyo ng pera ang bangko hanggang sa isang tiyak na halaga. Pero kailangan ninyong ibalik hindi lamang ang halagang ito sa bangko, kundi pati na rin ang interes. Kadalasang napakataas ang interes.

Maaari kayong pumunta sa isang sangay upang magbukas ng isang account. Dapat palaging i-verify muna ng bangko o savings bank ang inyong pagkakakilanlan. Kaya kailangan ninyong ipakita ang inyong ID o pasaporte.

Pinapayagan rin kayo sa mararaming bangko na magbukas ng account nang online o sa  pamamagitan ng koreo. Maaari ninyong gawin ito: Makakatanggap kayo ng mga dokumento mula sa bangko o savings bank. Dalhin ang mga dokumento at ang inyong ID o pasaporte sa post office. Makikilala kayo roon. Minsan kailangan rin ninyo ang inyong sertipiko ng pagpaparehistro upang mabuksan ang inyong account.

Online-Banking

Ginagawa ninyo ang karamihan sa mga bagay sa bangko sa pamamagitan ng Internet. Ito ay tinatawag na online banking. Iilan na lang ang pumupunta pa sa isang sangay ng bangko. Maraming tao ang gumagamit ng banking app sa kanilang cellphone. Kapag binubuksan ang account, sabihin na gusto ninyong gawin ang online banking o home banking.
Binibigyang-daan kayo nitong magsagawa ng mga paglilipat nang mabilis at madali. Halimbawa, kung gusto ninyong magbayad ng mga bayarin. Ang kailangan lang ninyo ay ang impormasyon ng account: Sino ang dapat makakakuha ng pera? Ano ang IBAN? Para sa mga regular na paglilipat, gaya ng upa, maaari kayong mag-set up ng standing order.

Ang mga pagbabayad sa SEPA ay magagamit sa karamihan ng mga bansa sa Europa mula pa noong 2014. Ginagawa nitong madali ang paglipat ng euro. Kailangan ninyo ng IBAN at BIC para dito. Ito ay mga hanay ng mga numero at titik. Maaari ninyong mahanap ang IBAN at BIC sa inyong debit card bilang halimbawa.

Mahilig ba kayong bumili online? Mayroong ilang mga paraan upang magbayad: maaari kayong makakuha ng isang invoice at maglipat ng pera. Maaari kayong magbayad sa pamamagitan ng debit o credit card. Mayroon ding mga serbisyo sa pagbabayad tulad ng PayPal o Klarna. Maraming tao sa Alemanya ang may PayPal account. Pinapadali rin nito ang pagpapadala ng pera sa mga kaibigan at kakilala.

Mga Kard

Mayroong iba't ibang uri ng mga money card: giro card, credit card o debit card (hal. MasterCard, Visa). Ang giro card ay dating tinatawag na EC card. Marami pa rin ang gumagamit ng salitang ito. Ang mga gastos para sa mga kard ay nag-iiba sa mga bangko. Ang isa sa kanila ay karaniwang libre. Karaniwang ipapadala sa inyo ng bangko o savings bank ang card sa pamamagitan ng koreo. Dapat ninyong lagdaan ang card. Pagkalipas ng ilang araw ay makakatanggap kayo ng isang lihim na numero para sa inyong card, ang numero ng PIN, sa pamamagitan ng koreo. Dapat tandaan ang numero ng PIN.

Maaari kayong mag-withdraw ng pera mula sa lahat ng ATM gamit ang inyong giro card, credit card o debit card. Palagi ninyong kailangan ang PIN para rito. Ang ilang mga bangko at ATM ay naniningil ng mga bayarin. Ang iba naman ay libre. Minsan maaari rin kayong mag-withdraw ng pera sa supermarket checkout.

Maaari kayong magbayad gamit ang inyong giro card sa mga tindahan at restawran. Madalas na maaari itong gawin gamit ang isang credit card o debit card. Pansinin: Sa Alemanya ay hindi kayo maaaring magbayad gamit ang isang card sa lahat ng lugar. Minsan tumatanggap lamang ng pisikal na pera ang mga restaurant, cafe o maliliit na tindahan.

Nawala ba ang inyong debit card o ninakaw ba ito? I-block ang card sa lalong madaling panahon. Tawagan ang numero sa oras ng kagipitan na 116116.

Sahod at Gastusin sa Pang-araw-araw na Buhay

Binabayaran kayo ng inyong employer ng suweldo. Kadalasang napagkasunduan ninyo ang isang kabuuang taunang suweldo. Ngunit hindi iyon ang pera na pumapasok sa inyong account. Ibinabawas dito ang pera para sa segurong panlipunan ng estado. Bilang karagdagan ay nagbabawas ang estado ng buwis sa kita mula sa inyong suweldo. Ang net na suweldo ay ang pera na natitira. Inililipat ito ng inyong employer sa inyong account bawat buwan. Tiyaking mayroon kayong sapat na pera upang mabuhay. Kailangan ninyo ng pera para sa pabahay, pagkain, mga aktibidad sa paglilibang, at marami pang iba. Mangyaring basahin ang impormasyon sa aming teksto "Mga Seguro" at "Pagsisimula ng Trabaho".

Tulong Pinansyal

Mayroong tulong pinansyal mula sa estado para sa mga pamilya, mga taong may mababang kita, at mga taong may kapansanan. Mangyaring basahin ang impormasyon sa aming mga teksto na "Pamumuhay kasama ang mga Bata" at "Pamumuhay na may mga Kapansanan".

Buwis

Sa Alemanya ay obligado ang lahat na magbayad ng buwis. Ibig sabihin, lahat ng taong nagtatrabaho ay nagbabayad ng buwis sa kita. Ito ang buwis sa sahod. Makakatanggap kayo ng numero ng buwis mula sa Tanggapan ng Buwis at isang tax ID mula sa Pederal na Opisinang Sentral ng Buwis. Ito ay isang na numero na may 11 na tambilang. Mayroon ring kayong electronic tax card (ELStAM). Direktang ipinapaalam ito mula sa Tanggapan ng Buwis sa employer.

Kayo ba ay isang empleyado? Ililipat ng inyong employer ang buwis sa kita sa Tanggapan ng Buwis. Wala kayong kailangang gawin. Mayroon ba kayong sariling kumpanya? Kailangan ding magbayad ng buwis sa kita ang mga self-employed. Ito ay medyo mas kumplikado. Ang mga self-employed ay gumagawa ng paunang bayad sa Tanggapan ng Buwis. Maghahain kayo ng tax return para sa bawat taon. Pagkatapos ikalkula ay kailangan ninyong magbayad ng karagdagang pera o maaaring may bumalik na pera sa inyo.

Ang halaga ng income tax ay depende sa inyong suweldo. Mas malaki ang buwis ng mga kumikita. Mas mababa ang buwis ng mga kumikita nang mas kaunti. Mahalaga rin ang tax bracket. Halimbawa, ang mga may asawa o may mga anak ay nagbabayad ng mas kaunting buwis.

Kung kaparte kayo ng isang simbahan, nagbabayad rin kayo ng buwis ng simbahan. Ang mga kumpanya ay nagbabayad ng buwis sa kalakalan sa lungsod o munisipalidad.

Naghahain din ang mga empleyado ng income tax return bawat taon. Sinasabi nito sa Tanggapan ng Buwis kung gaano karaming pera ang inyong natanggap. Pero sasabihin rin ninyo kung anong mga gastos ninyo. Ang mga empleyado ay madalas na nakakakuha ng pera mula sa Tanggapan ng Buwis pagkatapos ihain ng kanilang tax return. Maaaring gawin ang inyong tax return mag-isa, hal. sa ELSTER portal ng Tanggapan ng Buwis. Makakakuha kayo ng tulong mula sa isang tax advisor. Gayunpaman, ito ay nagkakahalaga ng pera.

Mga Seguro

Maraming iba't ibang paseguruhan sa Alemanya. Ang ilan ay talagang kinakailangan, ang iba ay boluntaryo naman. Ang isang mahalagang insurance ay ang seguro para sa pensyon. Mayroong pensyon upang matiyak na mayroon kayong sapat na pera sa katandaan. Ngunit madalas na hindi sapat ito. Karaniwang may katuturan ang pribadong seguro para sa pensyon. Magbasa nang higit pa tungkol dito sa aming teksto na "Mga Seguro".

Mga Importanteng Dokumente

Panatilihing ligtas ang mahahalagang dokumentong nauugnay sa inyong pananalapi. Ganoon ang gawin din sa mga dokumentong nauugnay sa inyong pagkakakilanlan, tulad ng inyong social security card o inyong pasaporte. Nalalapat din ito sa mga personal na dokumento tulad ng mga sertipiko ng kapanganakan o mga sertipiko ng kasal. Dapat ring itago ang mga sertipiko ng paaralan at trabaho sa isang ligtas na lugar.

Kadalasang Itinatanong

Sundan kami