Pagsisimula ng Trabaho

Eine Frau sitzt am Schreibtisch © Goethe-Institut/ Gina Bolle

Nakahanap na ba kayo ng permanenteng trabaho sa Alemanya? Empleyado na kayo.

Audio-Player: Artikel anhören

Artikel anhören

Arbeitsaufnahme

Mga Importanteng Dokumento sa Pagsisimula ng Trabaho

Kailangan ninyo ng ilang mga dokumento para sa inyong employer. Una ay kailangan ninyo ng patunay na mayroon kayong segurong pangkalusugan. Makakakuha kayo ng patunay mula sa inyong paseguruhan. Dapat magkaroon ng segurong pangkalusugan ang lahat sa Alemanya. Kailangan rin ninyo ng patunay na mayroon kayong account sa bangko. Nagbibigay ang inyong employer ng suweldo sa inyong account bawat buwan. Nangangailangan din ang inyong employer ng kopya ng inyong residence permit na may work permit (tingnan ang tekstong “Paghahanap ng Trabaho”). Bihirang humihingi ng police clearance ang mga employer. Makukuha ito mula sa Tanggapan ng Pagpaparehistro ng Residente.

Mga Seguro at Buwis

Ang lahat ng tao sa Alemanya ay dapat magkaroon ng segurong pangkalusugan. Dapat ninyong kumpletuhin ito nang mag-isa bago ang unang araw ng trabaho. Bilang isang empleyado, karaniwang kailangan ninyong magbayad ng mga kontribusyon sa segurong panlipunan: Nangangahulugan ito na awtomatiko kayong mayroong seguro sa pensyon, seguro para sa kawalan ng trabaho, seguro sa pangangalaga at seguro para sa mga aksidente. Binabayaran ng employer ang bahagi ng seguro. Binabayaran ninyo ang natirang bahagi. Ito ay awtomatikong ibabawas sa inyong suweldo o sahod. Makakahanap ng higit pang impormasyon sa tekstong “Mga Seguro”.

Kailangan rin ninyo ng tax number at electronic tax card (ELStAM). Matatanggap ang mga ito mula sa Tanggapan ng Buwis. Ang electronic tax card ay direktang ipinapaalam sa employer mula sa Tanggapan ng Buwis. Hindi ninyo kailangang magbayad ng mga buwis mag-isa. Inililipat ng inyong employer ang mga buwis mula sa inyong sahod o suweldo nang direkta sa Tanggapan ng Buwis. Maaari kayong (at sa ilang mga kaso ay dapat) maghain ng income tax return. Sulit ito dahil madalas kayong makakabawi ng kaunting pera. Makakahanap kayo ng higit pang impormasyon sa tekstong "Mga Pananalapi at Buwis".

Kontrata sa Trabaho

May natatanggap ang mga empleyado na kontrata sa trabaho. Kayo at ang employer ay pipirma sa kontrata. Basahing mabuti ang kontrata sa trabaho bago ito pirmahan.
Kung hindi kayo sigurado ay dapat magtanong. Para sa mga nasa hustong gulang ay pwedeng magtanong sa Migration Advice Center for Adult Immigrants (MBE). Ang mga kabataan hanggang 27 taong gulang ay makakatanggap ng impormasyon mula sa Serbisyo para sa mga Migranteng Menor de Edad (JMD). Maaari ring tawagan ang hotline ng mga mamamayan ng Pederal na Ministerio ng Paggawa at Panlipunang Kapakanan (+49 30 221 911 004). Dito ay maaari kayong magtanong tungkol sa mga batas sa pagtatrabaho.

Nasa kontrata sa trabaho ang lahat ng mga patakaran. Kayo at ang inyong employer ay dapat sumunod sa mga tuntuning ito. Halimbawa, sinasabi rin nito: Magkano ang kinikita ninyo bawat buwan? Ilang araw ang bakasyon ninyo? Ano ang dapat ninyong gawin kung kayo ay may sakit? Kapag nagsimula kayo ng bagong trabaho, kadalasan ay mayroon kayong panahon ng pagsubok o probation. Ang panahon ng pagsubok  o probation ay nag-iiba sa haba. Minsan, ilang linggo lang ito, minsan naman ay kalahating taon. Sa panahon ng pagsubok ay mas malapitan kayong oobserbahan ng employer. Siya ang magpapasya kung magpapatuloy kayo sa pagtatrabaho sa kumpanya pagkatapos ng probation. At magpapasya kayo kung gusto ninyong ipagpatuloy ang gawaing ito pagkatapos ng probation. Mas maikli ang takdang-panahon ng pagwakas sa kontrata sa trabaho (karaniwan ay 2 hanggang 3 linggo) sa probation, karaniwang 3 buwan na ito. May mga fixed-term at permanenteng kontrata. Awtomatikong nagtatapos ang mga kontratang fixed-term pagkatapos ng isang tiyak na petsa. Hindi kailangang magsulat ng abiso ng pagwawakas ang employer. Ang mga karagdagang impormasyon sa mga oras ng pagtatrabaho, mga pistang opisyal, sakit, at pagwawakas ng trabaho ay matatagpuan sa tekstong "Aking Lugar ng Trabaho".

Mga Mini-job

Mayroon ding mga mini-jobs sa Alemanya. Ang mini-job ay isang trabaho kung saan kumikita lamang kayo ng hanggang €538 bawat buwan o nagtatrabaho ng maximum na 70 araw sa isang taon. May seguro para sa aksidente, pero hindi kayo awtomatikong sakop ng segurong pangkalusugan at pangangalaga. Kailangan ninyong pangalagaan ang inyong sariling segurong pangkalusugan. Maaari kayong magpasya kung gusto ninyong magbayad para sa seguro para sa pensyon o kung gusto ninyong madispensahan mula rito. Wala kayong seguro sa kawalan ng trabaho.

Pagtatrabaho nang Mag-Isa

Kayo ba ay self-employed at samakatuwid ay hindi isang empleyado ng kompanya? Kung gusto ninyong magsimula ng sarili ninyong kumpanya, kailangan ninyo ng lisensya sa negosyo. Makukuha ninyo ito sa Tanggapan Para sa Kalakalan. Maaari kayong magtanong sa bulwagan ng bayan o munisipyo kung saan ang Tanggapan Para sa Kalakalan sa inyong lungsod o bayan. Kailangan ninyo ng lisensya sa negosyo kung gusto ninyo magbukas ng hal. tindahan o restaurant.

Nagtatrabaho ba kayo bilang isang freelancer? Irehistro ang inyong trabaho o aktibidad sa Tanggapan ng Buwis. Dapat rin kayong kumuha ng numero ng buwis mula sa Tanggapan ng Buwis. Gustong malaman ng Tanggapan ng Buwis humigit-kumulang kung magkano ang tubo ninyo sa bawat taon. Magpapasya ito kung magkano ang buwis na babayaran ninyo. Kailangan ninyong magbayad ng buwis.

Kailangan rin ninyo ng segurong pangkalusugan. Kailangan ninyong magbayad para sa inyong sariling segurong pangkalusugan. Maganda rin kung mayroon kayong seguro para sa pensyon. Sa ilang mga propesyon, halimbawa sa mga pangangalakal o bilang isang komadrona, dapat ay mayroon kayong seguro para sa pensyon. Maaaring mahalaga din ang ibang mga seguro. Maraming mga tip sa paksa ng pagtatatag ng isang kumpanya na matatagpuan sa portal na "Wir gründen in Deutschland" (“Nagtatatag kami ng kumpanya sa Alemanya”).

Kadalasang Itinatanong

Sundan kami