Kalusugan

Schild vor einem Krankenhaus © Goethe-Institut/ Gina Bolle

May sakit ba kayo, pero hindi naman ito malala? Halimbawa, mayroon lang kayong sipon o sakit ng ulo? Para sa mga hindi malubhang sakit, maaari kayong bumili ng mga gamot sa isang botika. Maraming mga botika sa Alemanya. Matutulungan kayo ng mga parmasyutiko. Makakasagot sila ng mga tanong at makakahanap ng tamang gamot.

Audio-Player: Artikel anhören

Artikel anhören

Gesundheit

Mga Botika

Gayunpaman, para sa maraming mga sakit ay maaari lamang kayong kumuha ng gamot kapag may reseta kayo. Sinasabi sa inyo ng dokumentong ito kung aling gamot ang kailangan ninyo. Ang reseta ay dapat ibinigay ng isang doktor. Gamit ang reseta, maaari ninyong kunin ang mga gamot na ito mula sa isang parmasya o botika at kailangan lang magbayad ng bahagi ng halaga. Binabayaran ng segurong pangkalusugan ang natitirang halaga.

Ang mga botika ay karaniwang bukas Lunes hanggang Biyernes mula 8 n.u. hanggang 6:30 n.h. at tuwing Sabado hanggang 1 n.h.. Sa mga lungsod ay bukas ang ilang mga parmasya hanggang 8 n.g. Mayroon ding emergency service para sa Sabado, Linggo at sa gabi.

Segurong Pangkalusugan

Obligado ang lahat ng tao sa Alemanya na magkaroon ng segurong pangkalusugan. Mangyaring basahin ang impormasyon sa aming teksto ng "Mga Seguro".

Pagbisita sa Doktor

May sakit ba kayo o nangangailangan ng tulong medikal? Kung gayon, pinakamainam na mag-schedule ng appointment sa isang doktor na general practitioner. Sinasagot nila ang mga paunang tanong tungkol sa lahat ng reklamo at sakit. Tinatawag din silang mga doktor ng pamilya. Mahalagang pumunta sa doktor. Matutulungan niya kayong gumaling. Kung hindi sila makakatulong, ipapadala nila kayo sa isang espesyalista.

May sakit ang anak ninyo? Pumunta kayo sa pediatrician. Karaniwang maaari lamang kayong pumunta sa doktor mula Lunes hanggang Biyernes. Mayroong serbisyong medikal na on-call tuwing Sabado, Linggo at gabi.

Maaari kayong tumawag sa klinika upang mag-schedule ng appointment. O maaari rin kayong mag-schedule ng online na appointment. Posible ito sa karamihan ng mga doktor. Ito ay simple at praktikal. Pumunta kayo sa website ng klinika at pumili ng appointment. Makakatanggap kayo ng kumpirmasyon. Sinasabi nito sa inyo kung kailan kayo maaaring magpatingin sa doktor. Madalas kayong makakatanggap ng paalala sa pamamagitan ng email o text sa inyong cellphone ilang sandali bago ang appointment.

Kapag bumisita kayo sa isang doktor, kakailanganin ninyo ng isang card mula sa inyong paseguruhang pangkalusugan, ang card ng segurong pangkalusugan, o kard ng kalusugan. Sa inyong unang pagbisita ay kailangan ninyong punan ang isang palatanungan gamit ang inyong personal na impormasyon. Isulat ang inyong pangalan, adres, atbp. Kung minsan ay nais ding malaman ng klinika kung anong mga sakit ang mayroon kayo at kung regular kayong umiinom ng gamot.

Pagkatapos magrehistro ay maghintay kayo sa hintayan. Tatawagin kayo. Madalas na tumatagal lamang ito ng ilang minuto, ngunit kung minsan ay mas mahaba pa kaysa sa isang oras.

Sa silid ng paggamot ay nagtatanong ang doktor: Ano ang masakit sa inyo? Kailan pa? Naranasan na ba ninyo ang sakit na ito noon? Dapat ninyong ilarawan nang detalyado ang inyong mga sintomas. Pagkatapos ng panayam ay susuriin kayo. Pagkatapos ay makakatanggap kayo ng diagnosis. Sasabihin sa inyo ng doktor kung anong sakit ang mayroon kayo at kung ano ang dapat ninyong gawin. Kadalasan ay bibigyan niya kayo ng reseta para sa gamot. Makukuha ninyo ang mga gamot na ito mula sa parmasya o botika. Minsan ay bibigyan kayo ng appointment para sa isang bagong pagsusuri.

Hindi ninyo kailangang magbayad para sa isang pagbisita sa isang doktor kung nakaseguro kayo sa ilalim ng segurong pangkalusugan ng estado. Dapat kayo mismo ang magbayad para sa mga karagdagang pribadong serbisyo. Ang mga taong may pribadong segurong pangkalusugan ay tumatanggap ng bill. Kayo mismo ang magbabayad para sa pagbisita at sa paglaon ay matatanggap ninyo ang pera mula sa inyong segurong pangkalusugan.

Sick Leave

Kayo ba ay may sakit at hindi makapagtrabaho? Dapat ay palaging agarang bigyang-alam ang inyong employer. Sabihin ninyo sa inyong employer na may sakit kayo. Tatawag kayo at sasabihin ninyo kung ano sa tingin ninyo na gaano katagal ang panahon na kailangan ninyo upang gumaling sa sakit.

Nakapunta na ba kayo sa isang doktor? Kung hindi kayo makapagtrabaho dahil sa inyong sakit, bibigyan kayo ng inyong doktor ng sick note. Ito ay tinatawag ding sertipikong medikal. Sinasabi nito na hindi kayo maaaring magtrabaho. Dapat kayong manatili sa bahay at gumaling. Sinasabi rin nito sa inyo kung gaano katagal dapat manatili sa bahay. Wala kayong makukuhang dokumento para dito. Direktang ipinapadala ng doktor ang impormasyon sa paseguruhang pangkalusugan. Makikita ito ng inyong employer online.

Nangangailangan ang ilang mga employer ng isang sick note mula pa sa unang araw. Pero marami ang nangangailangan nito mula lamang sa ikatlong araw. Maaari rin kayong tumawag sa opisina ng doktor para makakuha ng sick note. Para sa mga banayad o di-malubhang sakit, ito ay maaaring gawin sa loob ng limang araw. Kung kayo ay may sakit sa mas matagal na panahon, dapat na kayong pumunta sa isang doktor.

Espesyalista

Marami ang uri ng mga doktor. Mayroon silang iba't ibang mga lugar ng kadalubhasaan. Iyon ang dahilan kung bakit sila ay tinatawag na mga espesyalista. Halimbawa, may mga orthopedic surgeon. Inaalagaan nila ang lahat ng bagay na may kinalaman sa mga buto at kasukasuan, hal. kung nabali ang inyong braso. Ang mga gynecologist ay para sa mga kababaihan. Nagbibigay sila ng pang-iwas na pagsusuri at nangangalaga ng mga buntis na kababaihan. Mayroon ding mga ENT at marami pang iba.

Kadalasang ipapadala kayo ng general practitioner sa isang espesyalista. Makakatanggap kayo ng transfer para dito. Ipapaalam sa inyong doktor ng pamilya kung anong sakit ang mayroon kayo.

Alam niyo ba kung aling espesyalista ang kailangan ninyo? Maaari kayong direktang pumunta sa kanya. Hindi ninyo kailangang kumuha pa ng transfer. Hindi ninyo kailangan ng referral para magpatingin sa dentista.

Kalusugan sa Kaisipan

Hindi ba maganda ang pakiramdam ninyo? Nakakaramdam ba kayo ng pagod? Napakahalaga ang pisikal na kalusugan. Ngunit hindi lamang ang katawan ay maaaring magkasakit, kundi pati na rin ang pag-iisip. Ito ay lahat ng mga bagay na may kinalaman sa pag-iisip at damdamin. Ang mga problema, krisis, stress, takot, o karahasan ay maaaring magdulot sa atin ng sakit. Alagaan ang inyong kalusugan sa kaisipan. Alagaang mabuti ang inyong sarili. Humingi ng tulong kung nakakaramdam kayo ng kalungkutan o pagkabalisa.

Pagsusuring Pangkalusugan para sa mga Bata

Sa pamamagitan ng preventive examinations o pagsusuring pangkalusugan ay maagang matutukoy at mas mabilis ang paggaling ng mga malulubhang karamdaman. Ang ilang mga pagsusuri ay sakop ng segurong pangkalusugan. Minsan ay kailangan ninyong bayaran ang mga iba.

Mayroon ding preventive examinations o pagsusuring pangkalusugan para sa mga bata. Napakahalaga nila. May mga pagbabakuna laban sa mga nakakahawang sakit tulad ng tigdas, whooping cough at beke. Mangyaring basahin ang impormasyon sa aming tekstong "Pamumuhay kasama ang mga Bata".

Mula sa edad na 35 ay may mga check-up para sa maagang pagtuklas ng mga sakit sa bato at cardiovascular system, diabetes, at kanser. Para sa mga kababaihan ay mayroong mga pagsusuri sa suso. Ang mga buntis ay may regular na check-up.

Depende sa kasarian, edad o mga sakit sa pamilya, may ilang mga tiyak na pagsusuri. Mahalaga pa rin ang pagbabakuna para sa mga matatanda. Makipag-usap sa inyong doktor.

Ang mga Pinakamahahalagang Numero ng Telepono para sa Oras ng Kagipitan

Dapat malaman ng lahat sa Alemanya ang numero para sa pulis (110) at ang kagawaran ng sunog o serbisyo sa pagsagip (112). Mayroon ding iba pang mga numero ng telepono kung kailangan ninyo ng tulong at payo. Maaari ninyong basahin ang higit pa tungkol dito sa aming teksto na "Ano ang gagawin sa oras ng kagipitan?".

Kadalasang Itinatanong

Sundan kami