Ang mga oras ng pagtatrabaho ay nakasalalay sa inyong propesyon at sa inyong kontrata sa pagtatrabaho (tingnan ang tekstong “
Pagsisimula ng Trabaho”). Halimbawa, bilang isang nars sa isang ospital ay nagtatrabaho kayo sa mga shift: minsan nagtatrabaho kayo sa umaga, minsan sa gabi.
Sa isang opisina ay karaniwang may regular na oras ng trabaho. Nagsisimula ito sa umaga at matatapos pagkatapos ng 8 o 9 na oras. Madalas kayong may flexitime sa opisina, ibig sabihin, mayroon kayong flexible na oras ng trabaho. Halimbawa, maaari kayong magsimula sa 8 o 9 ng umaga at umalis nang mas maaga o umuwi nang mas gabi. Sa bawat trabaho ay mayroon kayong hindi bababa sa isang pahinga. Madalas itong pahinga sa tanghalian nang 30 o 60 minuto. Parami nang parami ang mga employer na nag-aalok sa mga empleyado ng pagkakataong magtrabaho mula sa bahay. Karaniwang nagtatrabaho kayo ng 38-40 oras bawat linggo. Mayroon ding posibilidad na magtrabaho nang part-time, halimbawa 50%, mga 20 oras bawat linggo. Kung mayroon kayong mga anak o part-time na self-employed, ito ay isang opsyon. Mayroong pinakamababang sahod sa Alemanya: hindi maaaring bayaran ng mga employer ang mga empleyado nang mas mababa sa 12.41 euros kada oras (sa taong 2024).
Ang bawat empleyado ay may tiyak na bilang ng mga araw ng bakasyon bawat taon. Dapat kayong aktibong humiling ng bakasyon at dapat sumang-ayon ang inyong superbisor. Maaari ninyong ikalat ang inyong mga araw ng bakasyon sa buong taon. Madalas kayong makapagbakasyon kahit kailan ninyo gusto. Pero minsan ay hindi kayo makakapagbakasyon dahil marami ang trabaho sa kumpanya. Minsan kailangan ninyong magbakasyon dahil nagbabakasyon din ang buong kumpanya. Habang nasa bakasyon, patuloy ninyong matatanggap ang iyong suweldo/sahod.
Kung may sakit kayo, dapat ninyong ipaalam kaagad sa inyong employer at iulat na may sakit kayo. Ito ay tinatawag na sick leave. Sa karamihan ng mga kaso ay nangangailangan lamang ang mga employer ng isang sertipikong medikal pagkatapos ng 3 araw (sa ika-4 na araw) ng pagkakasakit (tingnan ang tekstong "Kalusugan"). Minsan gusto ng mga employer na makita ang sertipikong medikal nang mas maaga. Maaari kayong pumunta o tumawag sa opisina ng doktor: Sa karamihan ng mga kaso ay maaari ninyong iulat ang inyong sakit sa inyong doktor sa pamamagitan ng telepono. Iuulat ng inyong doktor ang inyong sick leave nang digital sa inyong paseguruhang pangkalusugan. Pagkatapos ay makikita ito online ng employer. Nalalapat ito sa mga taong may segurong pangkalusugan ng estado. Kung mayroon kayong pribadong segurong pangkalusugan, kakailanganin ninyo ang sertipikong medikal sa anyo ng papel. Dapat ninyong isumite ito nang mag-isa.